Payday na sinabayan ng holiday rush nagdulot ng 'Friday the 13th' traffic sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 08:18 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Magmula tanghali ng Biyernes, Disyembre 13, ay nakaranas na ng mabigat na trapiko ang mga motoristang bumabaybay sa EDSA.

Ito ay dahil sa payday traffic na sinabayan pa ng holiday rush dahil sa mga taong naghahabol sa pagbili ng regalo at mga dumadalo sa Christmas parties.

Ayon sa tala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) gamit ang navigation apps, nasa 12 kilometro kada oras ang average speed ng mga sasakyan sa EDSA.

"Bawat oras parang rush hour na po. Payday Friday, [nagmistulang] 'Friday the 13th' noh? Marami na pong events na nangyayari left and right gaya ng Christmas parties," ani MMDA spokesperson Celine Pialago.

Sa North EDSA, kung nasaan ang ilang malalaking malls, namuo ang trapiko tanghali pa lang.

Ang ilang motorista, nagtitiis na lang sa pagko-commute imbes na gumamit ng ride-hailing service lalo't nagtriple ang pamasahe dito.

Sa ngayon, nakatutok ang mga tauhan ng MMDA sa mga choke point ng EDSA mula Balintawak, North EDSA, Cubao, Ortigas, Shaw, Pasay, at Taft, maging sa mga paligid ng malls. 

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.