Nakumpiskang processed meat sa paliparan sa Iloilo, ibinaon sa lupa

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 04:57 PM

Sama-samang ibinaon sa lupa ang nakumpiskang assorted processed meat at meat products sa Iloilo. Larawan mula sa Bureau of Animal Industry-6

CABATUAN, Iloilo - Umabot sa 14 na kilo ng assorted frozen meat at 198 piraso ng de-latang pagkain galing Hong Kong at Singapore na nasamsam sa Iloilo International Airport ang ibinaon ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa isang disposal area dito sa bayan.

Bago ibinaon sa lupa ang mga processed at frozen meat products ay kinunan muna ito ng samples at ipinadala sa BAI Central Office upang isailalim sa laboratory examination.

Ayon kay Dr. Christy Reyes, BAI inspector na nakatalaga sa Iloilo International Airport, nakumpiska ang meat products simula pa Setyembre ngayong taon.

Naghigpit ng seguridad ang paliparan simula nang magkaroon ng African Swine Flu alert sa bansa.

Lahat ng meat products na galing sa ibang bansa na dumaraan sa Hong Kong at Singapore ay kinukumpiska paglapag sa Iloilo International Airport.

Kaya't hangga't maari, ayon kay Arthur Parreno, Terminal Supervisor ng paliparan, iwasan na muna sana ng mga pasahero ang magdala ng meat products dahil hindi rin ito makalulusot sa Iloilo International Airport.

"Please advise them na huwag nang magdala ng mga processed foods, meat products dahil mahirap na pagdating dito sa Iloilo at kukumpiskahin din yan,” sabi ni Parreno.

Nananatili ang total ban ng lahat ng meat products mula sa ibang rehiyon at bansa sa Western Visayas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.