Nakolektang buwis ng Customs ngayong taon kapos ng P16.5 bilyon

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 03:40 PM

MAYNILA — Inaasahang mabibitin ng P16.5 bilyon ang tax collection ngayong taon ng Bureau of Customs (BOC), o mas mababa nang 2.7 porsiyento sa kanilang target na P661 bilyon. 

Ayon kay Customs Assistant Commissioner Jet Maronilla, hindi nila naabot ang collection target dahil sa iba't ibang problema, tulad umano ng hindi pagpasa ng fuel marking program at maging ang pagtama ng mga bagyo.

Sinisilip din ngayon ng pamunuan ng Customs ang overall performance ng kanilang mga tauhan.

Ayon pa kay Maronilla, inaaral nila kung may epekto sa mababang koleksyon ang bagong tax laws ng bansa.

Hindi rin isinasantabi ng Customs ang paglusot ng mga smuggled na produkto, lalo't kataka-taka raw na may mga buwan kung saan inaasahan na mataas ang volume ng importation pero mababa ang pasok. 

Bago matapos ang taon, sinusubukan pa ng Customs na mapababa ang deficit sa target collection.

Kung hindi man maabot ang collection target, nais pa rin daw nila maipasok sa double-digit growth ang koleksyon. 

Kumpara noong nakaraang taon, P591 bilyon ang koleksyon ng BOC, lampas sa target na P584 bilyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.