Mga eskuwelahan pinaalalahanan: Pagkain sa Christmas party ihaing mabuti

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 05:48 PM | Updated as of Dec 13 2019 09:29 PM

Watch more in iWantTFC

Nagpaalala ang isang health official sa mga nag-oorganisa ng mga Christmas party sa mga eskuwelahan na lutuin at ihain nang maigi ang mga pagkain. 

Ito ay matapos masugod sa ospital ang nasa 59 taong kumain ng spaghetti at fried chicken sa Christmas party ng Maao Elementary School sa Bago City, Negros Occidental. 

Paniwala ng nurse ng Bago Health Office na si Ceander Rosquillo na umaga pa lang inihanda ang spaghetti na ipinakain sa party. 

"The food was prepared early, so that’s why we can say na ano siya, na panis" ani Rosquillo.

Bukod sa mga estudyante ay kumain din ang ilang kamag-anak ang kanilang mga tira-tira. 

Ayon kay Rosquillo, dapat malinis ang kamay ng naghahanda. 

Siguraduhin din dapat na malinis ang lalagyan ng pagkain at maayos ang pagkakaluto ng pagkain. 

Hindi na rin dapat pinatatagal bago kainin ang mga pagkain na gawa sa harina o starchy food. 

At para naman sa kakain, dapat tingnan o obserbahan ang nakahandang pagkain para makasiguro na hindi ito sira bago kainin.

-- Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.