Ina timbog sa pagbebenta ng malalaswang video ng 10-anyos anak

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang nanay sa Taguig ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta umano online ng mga malalaswang video ng anak niyang babae.

Batay sa imbestigasyon ng NBI-Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD), pinipilit ng nanay na gumawa ng mga malalaswang materyal ang kaniyang 10-anyos na anak na si alyas "Lia."

Nakumpirma ito matapos makatransaksiyon ng agent na nagpanggap na kostumer ang mismong ina ng biktima.

Nag-alok pa ang suspek ng live show ng bata kasama ang isang lalaki, kapalit ng pera.

"Talagang wala siyang konsensiya. Para magkaroon ng pera pinapagawa niya ng kalaswaan ang anak sa kung sino-sinong lalaki," ani NBI-AHTRAD chief Janet Francisco.

Noong una ay itinanggi pa ng nanay ang paratang pero umamin din siya matapos komprontahin sa mga video na pinadala niya.

Ayon sa suspek, 4-anyos pa lang ang bata nang simulan niya itong pagkakitaan sa pamamagitan ng malalaswang aktibidad.

"Nagsisisi ako," sabi ng suspek.

Sabi ng NBI, natunton ang ina matapos mahuli sa Europa ang isa sa mga kliyente ng suspek.

"Kung akala niyo hindi kayo madidiskubre eh nagkakamali kayo dahil may footprints na naiiwan sa cyberspace," paliwanag ni Francisco.

Kulong ang nanay sa kasong qualified trafficking, child abuse, at child pornography.

Nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development si Lia at ang kapatid nito.

"Maawa kayo dahil habambuhay nilang dadalhin iyan. At hindi na mae-erase sa isip ng bata," paalala ni Francisco.


— Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.