Guro, tiklo sa kasong panghahalay ng dating estudyante sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 10:19 PM | Updated as of Dec 16 2019 11:17 PM

Kuha ng Canaman Municipal Police Station

PILI, Camarines Sur (UPDATE)—Isang high school teacher ang inaresto Huwebes ng hapon matapos umanong manggahasa ng dating estudyante sa Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Raymond Asido, 30. Kasong child abuse ang warrant of arrest ng suspek na dahilan sa kaniyang pagkakaaresto.

Ayon sa hepe ng Canaman Police Station na si Lt. Neil Brigueja, si Asido ang top 7 most wanted ng bayan.

Kuwento ng biktima na si "Marie," nangyari ang panggagahasa sa kaniya noong 2015.

Dahil bago siyang lipat ng paaralan mula Maynila, niyaya siya ng guro na ipasyal. Pumayag siya sa pag-aakalang ligtas na kasama ang guro.

"Naranasan ko po na teacher ko hinahawakan ako sa loob ng kotse niya. Sabi ko parang iba naman na po 'yon tapos bigla ka na lang hahalikan na parang magugulat ka po talaga kasi hindi mo naman ginusto. May sasabihin pa sayo, 'Wag kang magsusumbong, 'wag kang magkukuwento,'" ani Marie.

Naulit pa umano ito dahil natakot siyang magsumbong.

"Ayoko po sana ng second time eto makikita ko na naman 'yong kotse niya sa labas ng bahay namin, nando'n din po siya," ani Marie.

Ayon naman sa principal ng paaralan, inaksyunan nila ang reklamo ni Marie.

Nauwi umano ito sa sustento sa halagang P500 kada buwan hanggang makapagtapos ng pag-aaral si Marie, kapalit ang hindi pagsasampa ng kaso.

Pero ayon sa biktima, hindi nasunod ang napagkasunduan.

"Kahit po I check nila 'yong account number, hindi po siya nalagyan ni isang beses. Hindi ko naman habol ang pera na nasa settlement before kasi nakapag-aral naman na po ako. 'Pag i-insist ko pa po 'yong nasa settlement, kakasuhan daw nila kami ng extortion," aniya.

Hinayaan niya na lang umano ang guro. Tumigil naman sa pagtuturo si Asido at umalis pa ng bansa.

Pero nakarating kay Marie na bukod sa nakabalik sa pagtuturo si Asido, muli na naman itong nambibiktima.

"May binibiktima, kahit co-teacher niya po kumbaga kasi nakikita mo po kasi 'yong takot, kaya ko po pinursue. Kasi kahit naman po gawin niya pa po ngayon sa teacher o kahit saan pa na school ma assign, puwedeng-puwede niya pa rin po kasing magawa," ani Marie.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag si Asido. Nakapagpiyansa siya ng P180,000 noong Biyernes, Disyembre 13.—May ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.