Gaano karami lang ang dapat iniinom na alak kada araw?

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 04:36 PM | Updated as of Dec 13 2019 10:04 PM

MAYNILA - Ngayong panahon ng Kapaskuhan, hindi lang nagtatabaan at mamantikang mga ulam ang naglilitawan sa mga handaan, kundi maging ang ibat ibang klase ng alak,

Kaya naman nagpaalala ang isang doktor na may tamang dami lang ng alak na maaaring inumin kada araw. 

Ayon sa hepathologist na si Jade Jamias, dapat katumbas lamang ng 12 gramo ng alkohol ang alcohol content ng mga iniinom kada araw - at naaayon dapat ito sa katawan. 

"It's not really sa dami o volume ng iniinom pero yung volume ng alcohol [na nakikita sa inumin]," ani Jamias.

Katumbas ito ng dalawang bote ng beer para sa lalaki at isang bote ng beer para sa babae. 

Kung iinom naman ng wine, katumbas dapat ng 30 milliliters ang alcohol content na naiinom kada araw. 

Kung iinom naman ng liquer, dapat katumbas ito ng 1.5 ounces o 45 millilitro. 

Babala pa ni Jamias, may mga negatibong epekto sa atay ang labis na pag-inom ng alkohol gaya ng liver failure at liver cirrhosis. 

Nagdudulot din ito ng alcohol tolerance o mas hindi tinatablan ng alak ang isang umiinom nito habang tumatagal. 

"Habang tumatagal ang pag-inom mo ng alak, mas lumalakas ang tolerance, pag kunyare, ginagawa mo siyang pampaantok kaya habang tumatagal lalo dumarami ang kinakailangang inumin bago makatulog," paliwanag ni Jamias.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.