2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa lamay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2019 05:41 AM | Updated as of Dec 13 2019 08:54 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Patay ang 2 lalaki habang sugatan ang isa pa matapos silang pagbabarilin habang nagsusugal sa lamay sa Bagong Barrio, Caloocan City Huwebes ng gabi.

Dead on the spot sina Crisanto Santiago, isang pahinante, at Jasper Eslisa, 17 anyos. Naitakbo naman sa ospital ang isang sugatan.

Nagkagulo ang mga nakipaglamay nang pagbabarilin ng gunman ang mga biktima sa Balagtas St., Barangay 143 alas-11:30 ng gabi. Naglakad lang papalayo ang salarin matapos ang insidente.

Alitan sa sugal ang tinitingnang motibo sa pamamaslang, ayon sa Caloocan City police.

Kuwento ng mga magulang ni Santiago, pangatlong banta na ito sa buhay ng biktima. Nasaksak at binaril na umano dati si Santiago pero nakaligtas.

"Sana pinag-Pasko na muna," pahayag ng nanay ng biktima.

Ayon kay Police Cpl. James Yap ng Caloocan City police, may person of interest na sila sa kaso.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.