Hepe ng Rizal police sibak; pagpatay sa tauhan ni Glenn Chong iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 06:54 PM

MAYNILA - Sinibak sa puwesto ang direktor ng Rizal provincial police matapos mapatay ng ilang pulis-Cainta ang tauhan ng abogado at dating kongresman na si Glenn Chong.

Sibak din ang hepe ng Cainta police, gayundin ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Richard Santillan sa umano'y engkuwentro sa naturang bayan. 

Kabilang din sa tinanggal sa puwesto ang 10 miyembro ng regional intelligence division ng Rizal police habang apat na pulis-Cainta pa ang posibleng masibak. 

Ayon kay Chief Supt. Edward Carranza, hepe ng pulisya sa Calabarzon, sinibak ang mga opisyal ng pulisya para maging patas ang imbestigasyon sa pagpatay kay Santillan. 

Una nang inakusahan ng Cainta police si Santillan na miyembro ng sindikatong Highway Boys, na isa umanong notoryus na criminal gang na nag-ooperate sa Cainta at Taytay sa Rizal, at sa Pasig City. 

Pinabulaanan naman ito ni Chong at sinabing itinanim lamang sa sasakyang dala ni Santillan ang mga armas na nakuha ng pulis sa kanyang pinagkakatiwalaang tauhan.

ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.