Glenn Chong itinangging sindikato ang napatay niyang aide

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 08:24 AM | Updated as of Jul 24 2019 01:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Itinanggi ng election reform lawyer na si Glenn Chong na miyembro ng sindikato ang kanyang aide na pinatay ng mga pulis sa umano'y engkuwentro sa Cainta, Rizal nitong Lunes.   

Giit ni Chong, itinanim lamang ng mga pulis ang mga nakuhang baril mula sa biktimang si Richard Santillan na may 11 taon na niyang security aide. 

"'Yung mga baril, may .45, .48, at 9mm diumano na nakuha nila planted by the police. May baril si Richard. It's a gift na ibinigay ko sa kanya noong 2010. It's a .45 Glock pistol. Wala po doon. Pinahalughog ko sa bahay nandoon," kuwento ni Chong sa DZMM.

Una nang inakusahan ng Cainta police na si Santillan ay miyembro ng sindikatong Highway Boys, isa umanong notoryus na criminal gang na nag-ooperate sa Cainta at Taytay sa Rizal, at sa Pasig City. 

Sabi ng mga pulis, pinara nila ito dahil walang validation sticker, pero imbes na sumuko ay nagpapaputok umano ito sa mga pulis, dahilan para gumanti sila ng putok.

Parehong patay si Santillan at ang babae, na ayon kay Chong ay tumutulong sa kanyang aide sa mga gift-giving project nito ngayong magpa-Pasko. 

"Richard never fired a gun because he did not have a gun," giit ni Chong, na ibinunyag ding negatibo ang resulta ng paraffin test na isinagawa Santillan.

Blangko pa rin si Chong sa motibo ng mga pulis sa pagpatay sa kanyang pinagkakatiwalaang tauhan. Pero posible aniyang siya talaga ang target sa naging operasyon. 

Nakahanda ni Chong na sampahan ng kasong murder ang regional intelligence unit, ang Cainta police, at maging ang Highway Patrol Group. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.