Bentahan ng paputok sa Bulacan, matumal pa

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 07:56 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ramdam na ng mga nagtitinda ng paputok sa Bocaue, Bulacan — ang binansagang "Fireworks Capital of the Philippines" — ang epekto umano ng regulasyon ng gobyerno sa pagpapaputok.

Sa ilalim ng executive order na inilabas noong 2017, nilimitahan ang paggamit ng mga paputok sa mga "community fireworks display area" o lugar kung saan maaaring magpaputok nang sama-sama ang mga residente.

Ayon sa tinderang si Luisa Sayo, binawasan niya ng 30 porsiyento ang stock ng mga pailaw at paputok, at binawasan din ang oras ng bukas ng tindahan dahil sa matumal na benta.

"Talagang marami ang hindi bumili ngayon," ani Sayo.

Pero umaasa umano ang mga negosyanteng gaya ni Sayo na lalakas pa ang kanilang benta ng paputok habang papalapit ang bisperas ng Bagong Taon.

Isa ang puwesto ni Sayo sa mga tindahan na ininspeksiyon ngayong Huwebes ng mga tauhan ng provincial government ng Bulacan, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Department of Trade and Industry, at Department of Science and Technology.

May 95 dealer at 29 na manufacturer ng paputok ang lisensiyado sa Bulacan. Lahat umano ito ay iinspeksiyonin para matiyak na ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.

"Una, kinakailangan maayos ang kalidad so papasok dito ngayon ang tulong ng ating national government," ani Bulacan Governor Willy Alvarado.

Ipinapayo naman ng DTI sa mga bibili ng paputok na suriing mabuti ang label ng produkto.

Ayon sa DTI, dapat nasa bibilhing paputok ang pangalan ng kompanyang gumawa nito, may instructions o tagubilin kung paano ito gagamitin, at product quality seal na nagpapatunay na maganda ang kalidad nito.

Samantala, inireklamo naman ng mga lokal na manufacturer ng paputok ang mga nagkalat na ilegal na paputok na ibinebenta umano sa Divisoria.

"Number one 'yan nakakasira kasi walang kontrol diyan, walang inspeksiyon," ani Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. President Celso Cruz.

Hiniling ng grupo sa gobyerno na higpitan ng Bureau of Customs ang pagpasok ng mga inangkat na paputok.

Bukod kasi sa delikado, pinapatay daw ng mga ilegal na paputok ang lokal na industriya.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.