Bangkay na isinilid sa garbage bag natagpuan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 09:30 AM | Updated as of Dec 13 2018 04:03 PM

MAYNILA - Natagpuan ang katawan ng hinihinalang biktima ng summary execution sa may CP Garcia Street, Diliman, Quezon City, Huwebes ng umaga. 

Pupulutin lang sana ng isang street sweeper ang isang garbage bag na nakaselyo ng masking tape, pero nang silipin niya ito ay nakita niya ang katawan ng biktima.

Agad naman siyang nagsumbong sa mga awtoridad para maimbestigahan ang insidente. Nang buksan ng mga pulis ang plastic, nakitang nakagapos ng tape ang bangkay ng lalaki.

Ayon sa mga awtoridad, may mga tattoo sa iba't ibang bahagi ng katawan ang lalaking tinatayang nasa edad 40 pataas. Inaalam na ng mga pulis kung may CCTV sa lugar.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng bangkay, gayun din sa posibleng motibo ng salarin--ulat ni Raya Capulong at Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.