Angkas drivers muling hinuhuli; mga pasahero 'sumusugal' sa habal-habal

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 07:12 PM

Nagsimula nang manghuli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Angkas drivers bunsod ng muling pagbabawal sa ride-hailing application na tumanggap ng mga pasahero.

Kasunod ito ng paglabas ng resolusyon ng Korte Suprema (SC) na bumabaliktad sa desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na pahintulutan ang operasyon ng Angkas.

Tatlong drayber ng Angkas ang nahuli sa EDSA nitong Huwebes na tumatanggap ng pasahero. Pinagbabayad ng P6,000 at tatlong buwang mai-impound ang motorsiklo ng mga nahuli.

Giit ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) enforcer na si Mark Ferrer, delikado ang pagtangkilik sa nasabing ride-hailing service.

"[H]indi naman safe ang sinasakyan nila... Oo mapapabilis ka pero 'yung risk andun pa rin lalo na hindi naman sila legal," aniya.

Kaniya-kaniyang diskarte naman ang mga dating pasahero ng Angkas para labanan ang matinding trapik sa EDSA, gaya ng pagtangkilik ng mga habal-habal na ilegal pero kumukuha pa rin ng mga pasahero.

Bagama't ilegal, marami umano ang gumagamit ng kanilang serbisyo, ayon sa habal-habal driver na si Melvin De Vera.

"Wala po kaming permit. Kung tutuusin po ilegal po kami... Lakasan lang po ng loob sa pagbiyahe," ani De Vera.

Tingin naman ni dating LTFRB chairman Winston Ginez, luma na ang batas na nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong sasakyan.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.