2 sugatan nang makuryente sa poste sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2018 08:09 AM

MAYNILA - Sugatan ang 2 trabahante ng construction company matapos makuryente ng poste ng ilaw sa Quezon Avenue, Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Jeremiah Tecson, 25 anyos at drayber ng boom truck, at Aron Bruña, 29 anyos.

Ayon kay Julie Dango, foreman ng construction company, nangyari ang insidente habang naglilipat ng poste ang mga biktima.

Nagsasagawa ng road widening sa naturang lugar kaya inatasan silang alisin at pansamantalang ilipat ang mga poste.

Tumama umano ang dulo ng boom truck sa isang live wire habang inililipat ng mga biktima ang poste.

Hindi agad nakabitaw sa kambiyo ng crane si Tecson nang dumaloy ang kuryente sa mismong boom truck.

Nakuryente rin si Bruña habang inaalayan sa labas ng truck ang paglipat sa poste.

Halos hindi na makapagsalita at makagalaw si Bruña kahit na nakasuot pa siya ng safety gloves nang makuryente.

Agad isinugod sa Capitol Medical Center ang mga biktima.

Ayon kay Dango, nasabihan na rin ang may-ari ng construction company ukol sa nangyari. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.