Termino ni 'Bato' sa PNP, palalawigin bago ito mag-BuCor

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 08:17 PM | Updated as of Dec 13 2017 11:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Palalawigin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termino ng kasalukuyang Philippine National Police (PNP) chief bago niya ito italaga sa Bureau of Corrections (BuCor).

Sa isang press conferece nitong Miyerkoles, sinabi ni Duterte na hanggang tatlong buwan niyang palalawigin ang termino ni PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa na magreretiro na dapat sa Enero.

Hindi pa rin daw nakapipili si Duterte ng hahalili kay Dela Rosa.

Ito'y kahit kamakailan lang ay ipinakilala ng mga kapwa pulis bilang susunod na hepe ng pulisya ang PNP Deputy Chief of Administration ngayon o ang kinikilalang "number 2" sa hanay ng PNP, si Deputy Director General Ramon Apolinario o mas kilala bilang si "Sir Apol". 

Noong umupo sa puwesto si Duterte, isa si Apolinario sa tatlo niyang pinagpilian para maging unang PNP chief niya. Pero si Dela Rosa ang napili.

Batid naman ni dela Rosa na mahirap ang sasabaking posisyon bilang pinuno ng BuCor pero buong tapang niya raw itong haharapin.

Unang itinalaga ng administrasyong Duterte si Atty Benjamin Delos Santos bilang BuCor chief noong nakaraang taon.

Pero matapos ang walong buwan, nagbitiw siya dahil sa umano'y panunumbalik ng illegal drug trade sa New Bilibid Prisons. 

Sa ngayon, tumatayong officer-in-charge ng ahensiya si retired Chief Supt. Valfrie Tabian.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency chief Aaron Aquino, malaki pa rin ang problema ng droga sa BuCor pero tiwala siyang kaya itong tuldukan ni Dela Rosa.

Sa ngayon, wala pang kongkretong plano si Dela Rosa sa mga repormang gagawin sa BuCor.

Pero babala niya sa mga tauhan ng ahensiya na nagbabalak pang gumawa ng ilegal, hindi siya magdadalawang-isip na turuan sila ng leksiyon.

-- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.