SUV inararo ang parking lot ng fast food chain sa Bacolod, 2 sugatan

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 08:33 AM | Updated as of Dec 13 2017 08:34 AM

Martian Muyco, ABS-CBN News

Dalawa ang sugatan matapos araruhin ng isang SUV na minamaneho ng isang Chinese national ang mga nakaparadang sasakyan sa La Salle Avenue, Bacolod City, Negros Occidental Martes ng gabi.

Nagtamo ng minor injuries sina Nino Franco at ang kanyang asawa na si Stephanie.

Hinuli naman ng pulisya si Yuk Man Choi, isang Chinese national, ang nagmaneho ng bumanggang SUV.

Ayon kay SPO1 Benjo Ballo-Allo ng Police Station 4 ng Bacolod City, nasundan ng kanilang patrol car ang SUV.

Imbes na lumiko ang SUV sa kanto, nagulat na lang sila na umakyat ito sa parking lot ng isang fast food chain at inararo ang mga sasakyan, dagdag niya.

Unang nabangga ng SUV ang nakaparada na motorsiklo, sunod ang sign post ng fast food chain, at dumiretso sa dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng bangga, pumasok ang isang nabanggang sasakyan sa isang I.T. service company at binasag ang glass wall nito.

Nasugatan ang mag-asawang Franco na mga empleyado ng opisina.

Ayon naman kay SPO2 Jun Garong ng Traffic Management Unit ng Bacolod City, nabigla rin umano si Choi sa nangyari kung saan nawalan siya ng kontrol sa SUV.

Pinaniniwalaan ni Garong na lasing si Choi. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Choi sa nangyari nang panayamin ng ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.