Sugatang Philippine eagle, natagpuan sa Surigao del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 11:24 PM

Sugatan nang matagpuan ang isang Philippine eagle sa Tago, Surigao del Sur nitong Lunes. Kuha ng Department of Environment and Natural Resources-Caraga

May sugat at bali ang kanang pakpak ng isang Philippine eagle na natagpuan malapit sa tabing-ilog sa Barangay Anahao-Daan, Tago, Surigao del Sur nitong Lunes.

Ayon kay tribal leader Datu Arcelito Enriquez, na nakakita sa sugatang agila, inakala niyang natamaan ito ng bala.

Agad ibinigay ni Enriquez sa mga opisyal ng bayan ng Tago ang agila at ipinagbigay-alam sa Department of Environment and Natural Resources-Caraga.

Binigyan ng paunang lunas ang agila bago dalhin sa Philippine Eagle Foundation Center sa Davao City.

Ginamot ang agila bago dalhin sa Philippine Eagle Foundation Center sa Davao City. Kuha ng Department of Environment and Natural Resources-Caraga

Ayon sa pagsusuri ng mga eksperto, maaari umanong may humuli sa agila at nang nagpumiglas ay nabali ang pakpak nito.

Philippine eagle ang uri ng natagpuang agila na tinatayang mahigit dalawang taong gulang. Karaniwang may bigat na limang kilo ang agila pero dahil sa sinapit, naging apat na kilo na lang ang timbang nito.

Ayon kay Modesto Lagumbay, hepe ng DENR-Caraga Enforcement Aviation and Wildlife Division, hindi na makalilipad nang mataas ang agila dahil kinailangang putulin ang kalahati ng kanang pakpak nito

Mananatili sa Philippine Eagle Foundation ang agila para mas mapangalagaan.

Nagbabala ang DENR na isa sa critically endangered species ang Philippine eagle kaya't maaaring makulong ng 12 taon o kaya'y magbayad ng P400,000 hanggang P1 milyong multa ang sinumang manghuhuli o papatay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.