SAPUL SA CCTV: Kalsada sa QC, ginawang karerahan ng 'drifter'

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 12:49 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang isang motoristang ginawang tila karerahan ang isang bahagi ng Tomas Morato sa Quezon City nitong weekend.

Sa kuha ng CCTV, mistulang eksena sa pelikula ang pagpapasiklab ng motorista sa dulo ng Tomas Morato Extension.

Nag-drift o pinaikot-ikot nito ang saskayan sa kalsada.

Bukod sa malakas na tunog at usok na dinulto nito sa paligid, naperwisyo ang ibang motoristang halatang iniiwasang madamay.

Konti na lang ang layo ng isang sasakyan at mabubundol na ito sa pasaway na motoristang nag-drift.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng sasakyang ginawang drift track ang Morato.

Nagpaalala si Francis Almora, direktor ng law enforcement service ng Land Transportation Office, na pahalagahan ang pagkakaroon ng lisensiya.

Tiniyak ni Almora na may kalalagyan umano ang motoristang nagpaikot-ikot sa Morato.

Bukod dito, nakuhanan ng isang dashcam ang mga bus sa Commonwealth Avenue na maligalig na nagpapalipat-lipat ng lane.

Muntikan pang maipit ang isang naka-motorsiklo sa gitna ng dalawang humaharurot na bus.

Ang mga ganitong insidente, kasama ng matinding trapiko at lubak-lubak na kalsada ang dahilan kaya bumagsak ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang magandang magmaneho.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.