Ridon: Awtorisado ng Palasyo ang mga biyahe

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 02:13 AM

Kasunod ng bantang sisibakin ang isang buong komisyon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng opisyal ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) nitong Martes.

“On Monday, I will fire about one commission mismo, lahat sila. Wala akong pakialam kung nakisali lahat o dalawa, tatlo, you have to go out. I don’t think it will exist without your knowledge,” sabi ni Duterte noong Disyembre 8.

Ayon sa tagapagsalita ng Malacañang, sinibak ang mga opisyal ng PCUP dahil sa pagsama umano sa mga di kinakailangang "junket" o mga biyahe sa iba't ibang bansa.

"This kind of work performance has no place in the Duterte administration," ani presidential spokesperson Harry Roque, Jr. "This latest decision of the President prove beyond doubt the President is very serious in his anti-corruption campaign.”

Wala rin daw kinalaman ang sibakan sa pagiging makakaliwa ng chairman ng komisyon.

Pinamumunuan ni dating Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon ang PCUP.

“Maski left-leaning naman si Terry Ridon, alam kong hiwalay naman siya sa mga grupong makakaliwa dahil hindi na siya kinuha na maging nominado ng Kabataan party-list ng pangalawang beses,” sabi ni Roque.

Commissioner din ng PCUP sina Melissa Aradanas, Joan Lagunda, Manuel Serra, Jr., at Noe Indonto.

Watch more in iWant or iWantTFC

Sa panayam naman ng programang "Dos por Dos" ng DZMM, sinabi ni Ridon na awtorisado ng Malacañang ang lahat ng naging biyahe ng PCUP.

Anim na biyahe sa iba't ibang bansa ang sinamahan ng PCUP mula nang italaga si Ridon sa komisyon noong Setyembre 2016.

"Lahat po ng mga biyahe po natin ay covered po ng travel authority na in-issue ng Office of the President sa rekomendasyon po mismo ng Office of the Cabinet Secretary," sabi ni Ridon.

Dagdag pa niya, hindi lang PCUP ang kasama sa mga biyahe papunta sa ibang bansa.

Nakasama rin naman daw nila ang mga kinatawan ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

"Sa malaking bahagi, doon po sa housing conferences, kasama po namin diyan 'yong HUDCC[ Housing and Urban Development Coordinating Council], kasama din po diyan ang NEDA [National Economic and Development Authority], kasama din po diyan 'yong National Housing Authority," ani Ridon.

"In fact may mga kasama po tayong ahensiya sa Palasyo, nakakasama din po diyan 'yong Office of the Executive Secretary, tsaka po 'yong Office of the Cabinet Secretary."

Nanindigan din si Ridon sa integridad ng komisyon.

"Wala naman pong record ng katiwalian ang komisyong ito. Sa totoo lang, ito pong komisyon ay talagang nagpapatupad ng buong pangako ng presidente para sa usapin ng 'no demolition without relocation'," aniya.

Hindi pa natatanggap ni Ridon ang pormal na utos na sumisipa sa kaniya sa panunungkulan.

Sa kabila ng pagsibak, nagpasalamat pa rin si Ridon kay Duterte sa pagkakataong makapanilbihan sa kaniyang puwesto.

Naniniwala rin siyang walang kinalaman sa kaniyang pagiging makakaliwa ang pagka-alis sa kaniya sa komisyon.

Sa pagsibak kay Ridon, tanging sina National Anti-Poverty Commissioner Chairman Liza Maza at Labor Undersecretary Joel Maglungsod ang mga natitirang opisyal na maituturing na makakaliwa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

-- May ulat nina Pia Gutierrez at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.