Palasyo, nagbabala muli sa pagsasalpak ng larawan ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 06:09 PM | Updated as of Jul 14 2018 10:33 AM

Pinaalalahanan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mga tanggapan ng pamahalaan na huwag gumamit ng mga larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang display.

Alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 25 ng Malacañang na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na dapat larawan ng mga bayani ang nakasalpak sa mga opisina.

"The President made it clear that he doesn't like his picture being displayed even when he was mayor of Davao City...Self-aggrandizement is a big no-no in President Duterte's administration," ani Andanar.

Mayroon umanong listahan ang National Historical Commission of the Philippines ng mga bayani ng bansa na puwedeng gamitin ng mga tanggapan sa halip na larawan ni Duterte.

Ilan sa mga maaaring pagpilian ay ang mga larawan nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, at Melchora Aquino.

Ang paalala ay kasunod ng pambabatikos sa lumabas na overseas Filipino workers (OFW) ID Card kung saan mas malaki pa ang larawan ni Duterte kaysa sa retrato ng may-aring manggagawa.

Matapos ang kritisismo, inamin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sila ang pasimuno ng disenyo ng ID.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.