P3.7 trilyong 2018 national budget, aprubado na ng Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 02:22 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para sa 2018 national budget matapos ratipikahan ng Kongreso ang P3.7 trilyong budget para sa susunod na taon.

Niratipikahan ng Kamara ang bicameral conference committee report na nag-iisa sa bersiyon ng panukalang budget mula sa mababa at mataas na kapulungan.

Sa hiwalay na sesyon, niratipikahan din ng Senado ang bicameral report.

Sa kabuuang budget, pinakamalaki ang inilaan sa Department of Education na mayroong alokasyong P553.3 bilyon.

Kabilang din sa mga may malalaking budget ang Department of Interior and Local Government na may P170.8 bilyon; Department of National Defense na may P149.7 bilyon, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) with P141.8 billion.

Tinitiyak din ng 2018 budget pagpapatupad ng free wifi sa lahat ng state universities ang colleges sa budget na P327 milyon.

Naglaan din ng P62 bilyon pondo para sa umento sa sahod ng mga tauhan ng military at iba pang uniformed personnel simula sa Enero.

"This will double the basic pay of both the Police Officer 1 and Private from P14,834 per month to P29,668 per month. The funding requirement for this is already included in the 2018 General Appropriations Bill," ani House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles.

[“Dodoble ang sahod ng Police Officer 1 at Private na mula P14,834 ay magiging P29,688”]

Itinatakda rin sa inaprubahang General Appropriations Bill ang pagbili ng body cameras para sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP). Inilaan ang P334 million para rito.

Naglaan din ng P451 milyon para sa pagbili ng dalawang single-engine helicopters; pabahay para sa mga tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines na nagkakahalaga ng P952 milyon at dagdag pondo rin sa mga istasyon ng pulis dahil naglaan ng P850 milyon para sa kanilang maintenance and other operating expenses 

Ayon pa rin kay Nograles, mayroong inilaang P3.5 bilyong subsidiya sa Philhealth budget para sa healthcare benefits ng mga kawani ng gobyerno sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

-- Ulat ni RG Cruz at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.