OFW, gustong 'pakasalan' muli ang misis na napaslang sa bahay sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 09:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi na napigilan ng padre de pamilyang si Marlon Gamos na mapaluhod at maiyak nang bisitahin ang tahanan kung saan natagpuang patay ang kaniyang mag-ina.

Martes nang dumating si Gamos sa Pilipinas mula sa UAE kung saan siya nakabase bilang seaman.

"Sobrang galit, gusto ko [malaman] kung anong ginawa [sa kanila]," ani Marlon sa pag-uwi nito sa kanilang bahay sa General Trias, Cavite kung saan nakitang wala nang buhay ang asawa nitong si Ruby at pitong taong gulang nilang anak.

Nag-iwan din sa labas ng bahay ng mga bulaklak at kandila ang mga kaklase ng bata, na muling sinindihan ni Marlon.

Malaki umano ang panghihinayang ni Marlon dahil childhood sweethearts silang mag-asawa.

Kuwento ni Marlon, siya ang tumulong kay Ruby para makapagtapos ng kolehiyo kasabay ng pagiging working student ng misis.

Taong 2010 nang ikasal sila sa huwes.

Matapos nito'y kumuha sila ng bahay sa Cavite at nagtrabaho na si Marlon bilang mandaragat.

Plano pa naman sana ni Marlon na sorpresahin ng kasal sa simbahan ang asawa ngayong Pasko.

Pero iginiit ni Marlon na nais niyang magsagawa ng seremonyang renewal of vows bago i-cremate o sunugin ang bangkay ng misis.

Dagdag pa ni Marlon, nagparamdam sa kaniya ang asawa habang nasa biyahe siya pauwi ng bansa.

"Nasa airplane na ako ... siguro mga five hours na lang para lumanding, nagparamdam siya sa akin. Nakahiga ako, kumakanta siya," aniya.

Wala pa rin natutukoy na suspek ang pulisya.

Gaya ng ina ni Ruby, kumbinsido si Marlon na posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin. 

"Nagkaroon ako ng idea, malamang kilala ng aso ko kasi hindi kumahol 'yong aso. Kilala ng suspek 'yong mag-ina ko," ani Marlon.

Maging ang mga kapitbahay ng mga biktima'y pinagtanungan na ng pulisya.

"Wala naman kami nakita dito na ibang tao, maski noong gabi," pahayag ng isang kapitbahay.

Magbibigay din si General Trias Mayor Antonio Ferrer ng P100,000 gantimpala sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa suspek.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.