Mga pasahero binalaan sa mahabang pila sa immigration sa airport

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaasahang hahaba ang mga pila sa immigration area ng mga paliparan ngayong Pasko dahil sa isang technical glitch.

Ayon sa Bureau of Immigration (BOI), posibleng magtagal sa paghihintay ang mga biyahero dahil sa pagkakaroon ng glitch sa kanilang bagong sistema.

"We upgraded the system for better border security although mayroong konting additional seconds for processing. Sometimes nagkaka-glitch sila kaya we appeal to the public to bear with us," ani BOI spokesperson Tonette Mangrobang.

("May binago kami sa sistema para mas paigtingin ang seguridad pero mayroong karagdagang segundo para magproseso. Minsan nagkakaroon ng aberya kaya nakikiusap kami sa publiko na magtiis muna.")

Itinanggi rin ng BOI na may kakulangan sila sa immigration officers para punuin ang mga counter sa mga paliparan gaya ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Samantala, naglabas naman ng memorandum ang Manila International Airport Authority (MIAA) na nakikiusap sa mga airline na sundin ang international standard sa oras ng paglilipat ng mga bagahe.

Sa ganitong paraan, mas mabilis makukuha ng mga pasahero ang kanilang mga bagahe.

"Minsan nakakatanggap ako ng comments na mas matagal pa 'yong biyahe nila within the Philippines kaysa maghintay ng bagahe," ani Ed Monreal, general manager ng MIAA.

"Sana maayos 'yong customer service kaya nagpalabas kami ng reiteration sa mga airlines," ani Monreal.

Nakasaad sa memo na dapat nasa conveyor belt na ang unang bagahe makalipas ang 12 minutong na makaparada ang eroplano.

Dapat nasa conveyor ang huling bagahe 40 minuto pagkaparada ng eroplano.

Nasa higit 10% ang itinataas ng bilang ng mga pasahero tuwing Pasko, bagaman nakakalat sa iba't ibang araw.

Hindi na rin pinayagan na makapag-leave ang mga tauhan ng NAIA hanggang unang linggo ng Enero.

Pinaalalahanan naman ang mga biyahero na maglaan ng tatlong oras para sa mga lilipad pa-ibang bansa at dalawang oras sa domestic flights.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.