Martial law sa Mindanao, mananatili hanggang Disyembre 31, 2018

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 01:52 PM | Updated as of Dec 13 2017 03:20 PM

Lumusot sa Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapalawig pa ng martial law sa Mindanao matapos makakuha ng boto mula sa 240 mambabatas.

23 na mambabatas sa Kamara at 4 na senador lamang ang kumontra sa panukalang extension.

Nakatakda na sanang magwakas ang martial law sa Mindanao ngayong Disyembre 31, 2017 dahil na rin idineklara nang malaya mula sa teroristang grupo ang Marawi.

Matatandaang ang sigalot sa Marawi ang dahilan kung bakit nagdeklara ng martial law si Duterte noong Mayo 24 sa kalagitnaan ng kaniyang pagbisita sa Russia.

Sa sulat niya sa Kongreso, sinabi ni Duterte na nais niyang manatili ang martial law sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2018 upang puksain ang nakaambang banta ng mga aktibong terorista gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at New People's Army. 

Ito na ang ikalawang extension ng martial law sa Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.