Mag live-in partner, tiklo sa pagtutulak ng shabu

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 10:55 AM

Arestado ng awtoridad ang mag live-in partner matapos na mahuli sa akto ng awtoridad na nagaabot ng isang sachet ng hinihinalang shabu, Martes ng gabi sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.

Nakilala ang mga suspek na sina Hiram Ulyses at Love Serillo. Sinubukan pa umano ng babae na itago ang sachet sa kaniyang salawal ngunit pag dating sa barangay, hindi na ito nakalusot at inilabas na rin ang sachet.

“Nakita na ng mga operatiba na itinago pero di naman makapkapan kaya pagdating sa barangay, doon na lang inilabas,” sabi ni Senior Superintendent Danilo Mendoza.

Aminado ang mag asawa na sila’y gumagamit ngunit itinangging nagtutulak ng iligal na droga.

“Siguro po sa stress po sa problema, pamilya, trabaho, hindi naman namin ginagawa dahil masarap lang sa katawan, doon po namin naire-release,” paliwanag ni Ulyses.

Ayon sa pulisya, pinaiigting nila muli ang operasyon sa droga dahil marami raw ang nagbalikan sa operasyon nitong mga nakaraang buwan.

Isa sa pinakamalaking barangay sa Quezon City ang Pasong Tamo kaya’t malaki ang apektadong lugar.

“Simula kasi nung napunta sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) nagsibalikan sila, nag-balik operasyon kaya’t tuloy-tuloy yung operasyon naming,” sabi ni Mendoza.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 11 at 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.