Kuha ng CCTV, inaasahang makatutulong sa kaso ng pinatay na mag-ina

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 09:23 AM | Updated as of Dec 13 2017 11:48 AM

Umaasa ang mga awtoridad na may makukuha silang impormasyon mula sa CCTV ng subdivision hinggil sa pagkakakilanlan ng salarin na pumatay sa mag-ina sa Cavite noong Lunes.

“Mayroon po tayong nakuha sa subdivision na CCTV footage. This morning, magkakaroon ng case conference and hopefully matapos nila today yung pagche-check ng CCTV,” sabi ni Superintendent Chit Gaoiran, tagapagsalita ng Philippine National Police Region 4A.

Lunes nang matagpuan patay sa kanilang bahay sa Lancaster New City sa General Trias si Ruby Gamos at pitong taong gulang na anak na si Shaniah Nicole.

“Base sa autopsy report, yung ina ang ikinamatay niya ay isang palo sa ulo niya. Sa kanyang anak, suffocation. Maaaring ginamitan siya ng unan o isang bagay na itinakip sa mukha niya,” paliwanag ni Gaoiran sa DZMM Miyerkoles ng umaga.

Kasama sa imbestigasyon ng awtoridad ang pagsilip kung may pananagutan ba o wala ang subdivision.

“Parang walang forced entry…Titingnan natin kung ito po ba ay kakilala nila,” sabi ni Gaoiran.

Bukod sa mamahaling gamit sa bahay, gadgets at alahas, tinangay din ng di pa nakikilalang salarin ang sasakyan ng mga biktima. 

Martes na nang matagpuan itong abandonado sa isang sementeryo sa Imus, Cavite.

“Doon naman sa nawalang Toyota Wigo, nasa crime lab na, pino-process na rin doon. Hopefully, may makuhang evidence na makatulong sa atin,” dagdag niya.

Dumating naman sa bansa ang padre de pamilya ng mga biktima na si Marlon Gamos, isang seaman. Sabi niya, huling nakausap niya ang kanyang mag-ina noong Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.