Ilang mambabatas, may pangamba sa pagpapalawig ng batas militar

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 09:45 PM | Updated as of Dec 13 2017 10:03 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tuloy ang batas militar sa Mindanao matapos pagbigyan ng joint session ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang taon pang extension

Lumusot sa Kongreso ang hiling na pagpapalawig pa ng martial law sa Mindanao matapos makakuha ng boto mula sa 240 mambabatas.

Mas maraming mambabatas naman ang tutol sa extension ng martial law sa Mindanao ngayon kumpara sa tumutol sa unang extension noong Hulyo.

Nabawasan din ang mga mambabatas na lumahok at bumoto sa joint session.

Mas maikli ang sesyon ngayong araw at pinakinggan ang paliwanag ng mga taga-Palasyo.

“Despite the liberation of Marawi and the eerie silence in the main battlefield, a state of actual rebellion subsists in Mindanao, perpetrated not only by remnants of the DAESH inspired DIWM but also by other local and foreign terrorist groups, including the New People’s Army,” ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea. 

Ang DIWM, o ang Da’awatul Islamiyah Waliyatul Masriq, ay isa sa mga grupo na sinasabing may banta sa Mindanao nang hilingin ng Pangulong Duterte ang pagpapatuloy ng batas militar. 

Pinangangambahan naman ng ilang mambabatas kung mauuwi sa martial law sa buong bansa ang extension. 

"The NPA conflict has been there for the last four decades. Suddenly in the request for extension today, the NPA is cited as an additional ground for martial law extension in Mindanao. Is this now a prelude to declaring martial law nationwide?" ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

"Kung pagbibigyan po natin ang kahilingan ni Pangulo, papayag tayo na basta may rebelyon ay may martial law, argumento ito para sa walang hanggan at walang katapusang martial law," sabi naman ni Rep. Antonio Tinio.

Suportado naman ng mga congressman sa Mindanao ang extended martial law pero giit ng isang kongresista, dapat idamay na ang buong bansa.

“They (NPA) can also make attacks in Luzon and Visayas. I reiterate my stand that martial law should be extended not just in Mindanao but also in Luzon and Visayas,” ayon kay Rep. Shernee Ann Tan.

Pero ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, wala pa namang plano na palawigin sa Luzon at Visayas ang batas militar.

“As of now 'no,' but I’d like to express confidence also that it will not go to Visayas and Luzon,” aniya.

Samantala, may mga duda rin kung legal pa ang extension ng batas militar.

“How and where are you getting the authority to be requesting even, for a one year extension of the 60-day original proclamation? Hindi po ba ito circumventing again the intentions of the Constitution?” ayon kay Buhay Rep. Lito Atienza.

Pinawi naman ng gobyerno ang pangambang makakansela ang mga darating na halalan dahil sa martial law.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.