Ikakasal na magkasintahan, patay matapos barilin ng pulis

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 04:16 AM

Patay ang isang ikakasal na magkasintahan matapos pagbabarilin ng isang pulis na nag-amok sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Joseph Agravante at Edeliza May Manuel. Nakatakda sana silang haharap sa dambana ngayong Disyembre 27.

Patay din ang suspek na si PO3 Gerwin Goze matapos makipagbarilan sa iba pang pulis nang ito'y tumangging sumuko.

Ayon kay Chief Insp. Giovanni Cejes, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office, hinahanap umano ng suspek ang kasintahan niya sa bahay nito sa Barangay Balzain pasado alas-4 ng hapon. Ang kasintahan umano ni Goze ay kapatid ni Agravante.

Nang hindi niya ito makita ay nagalit si Goze at pinaputukan ang mga biktima na agad ikinamatay ni Agravante. Si Manuel naman ay naisugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Rumesponde ang Dupax del Sur Police Station pero pinaputukan din umano sila ni Goze.

"Napilitan na magpaputok yung mga kasama nang magpaputok uli siya (Goze)," sabi ni Cejes.

Natamaan si Goze na agad din nitong ikinamatay.

Narekober ng pulisya ang baril ni Goze at ang humigit-kumulang 70 basyo ng mga bala sa crime scene.

Ayon naman kay Chief Insp. Robelita Aglipay, hepe ng Dupax del Sur Police Station, off-duty ang suspek nang mangyari ang insidente. 

Nakadestino bilang isang imbestigador si Goze na mahigit isang dekada ng pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.