Hinihinalang 'bomb courier', patay sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 10:55 PM

Patay ang isa umanong "bomb courier" sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat nitong Miyerkoles ng umaga.

Bandang alas-6 ng umaga, napatay sa pamamaril si Abubakar Upam sa may National Highway sa Barangay Dansuli, Isulan.

Hinarang ng intelligence operative si Upam, na nagmamaneho ng tricycle, matapos matunton ng Isulan police na may dalang umano itong mga pampasabog.

Tinangka umanong dukutin ni Upam ang isang fragmentation grenade sa bulsa pero agad itong nabaril.

Bukod sa granada, nakuha kay Upam ang dalawang improvised explosive device.

Ayon kay police Superintendent Celestino Daniel, hepe ng Isulan Police, posibleng target ni Upam ang bayan.

Iniimbestigahan pa kung konektado si Upam sa mga terorista o rebeldeng grupo.

Tubong Datu Unsay sa Maguindanao si Upam.

-- Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.