Duterte, sumampol ng kanta't sayaw sa Christmas party

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 11:10 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagpasampol ng kanta at sayaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng media sa isang Christmas party sa Malacañang noong Martes ng gabi. 

Pahinga muna sa trabaho ang Pangulo nang makisaya sa kasiyahan kasama ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC).

Malayo sa kaniyang seryosong imahe, relaxed ang Pangulo sa pakikihalubilo sa mga miyembro ng media.

Nagpaunlak pa ito ng isang ballroom dance, kasama si Communications Undersecretary Loraine Badoy. 

Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang pagkakataong magpakitang gilas sa pag-awit. 

Itinanghal niya ang mga kantang "You Raised Me Up" ng Secret Garden, "Send in the Clowns" ni Barbra Streisand, at "Bridge Over Troubled Water" ng Simon & Garfunkel.

Sa kaniyang talumpati sa MPC, iginiit ng Pangulo na hindi siya kaaway ng mga mamamahayag.

"I am not your enemy. Your quest for truth, that's your business, not mine. At the end of the day, it's not my property. I'd be glad to be your friend forever," ani Duterte.

Mula nang maupo sa puwesto, ilang beses nang binira ng Pangulo ang media dahil sa mga balita tungkol sa kaniya at sa kontrobersiyal na giyera kontra droga.

Sa kabila nito, nilinaw ng Pangulo na normal lang ang pagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan.

"Wala naman tayong galit. We do not fight with each other. I do not hate anybody here or else I will not be inviting you to my place," ani Duterte.

Hindi naman nagpahuli ang ilan pang opisyal ng Palasyo, gaya nina Communications Secretary Martin Andanar, Presidential Spokesperson Harry Roque, at Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.