Alitan ng tricycle drivers, nauwi sa saksakan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 09:29 AM

Arestado ang isang tricycle driver matapos saksakin ang nakaalitan na kapwa driver sa Tondo, Maynila, Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Christopher Saturnino, 41 , at residente sa lugar.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagsusugal ang suspek kasama ang biktima na si Ramsey Rojo at iba pang mga kaibigan sa Juan Luna Street.

Nagkatinginan umano ng masama sina Rojo at Saturnino na nauwi sa away.

Kuwento ng biktima, binantaan siya ng suspek at kumuha ng screwdriver at pinagsasaksak siya nito.

Depensa naman ng suspek, siya ang unang sinunggaban at pinukpok ang ulo niya sa sahig kaya nagawa niya ang krimen.

Agad dinala sa ospital si Rojo na nagtamo ng anim na saksak habang may malaking bukol naman sa ulo si Saturnino.

Mahaharap sa kasong frustrated homicide si Saturnino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.