ALAMIN: Mga ipinagbabawal na paputok sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 01:10 PM

Nilinaw ng isang opisyal ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office (PNP FEO) na hindi lubusang ipinagbabawal ng gobyerno ang pagpapaputok sa Bagong Taon.

"Nagre-regulate lang naman ang (Executive Order No. 28) sa mga paputok at mga pailaw. Hindi naman sinasabing bawal. Walang sinabing bawal," ani Supt. Roland Vilela, acting chief ng Explosives Management Division ng PNP FEO.

Matatandaang ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo ang Executive Order No. 28 na naglalayong regulahin ang paggamit ng mga paputok sa bansa.

Watch more in iWant or iWantTFC

Sa ilalim ng kautusan, magtatalaga ang mga lokal na pamahalaan ng mga "community fireworks display area" o lugar kung saan maaaring magpaputok ng sama-sama ang mga residente.

Pangangasiwaan ang pagpapaputok ng isang tauhang lisensiyado ng PNP.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok: 
• Super lolo
• Whistle bomb
• Goodbye Earth
• Atomic big triangulo
• Piccolo
• Judas belt
• Watusi

Nilinaw ni Vilela na pinahihintulutan pa rin sa mga residential area ang paggamit ng mga pailaw at pyrotechnic devices ngunit dapat umanong ilayo ang mga ito sa mga materyales na madaling magliyab.

Lusis, fountain, at roman candle ang ilan sa mga halimbawa ng mga pailaw at pyrotechnic devices.

Dagdag ni Vilela, nasa lokal na pamahalaan pa rin umano ang huling pasiya hinggil sa pagpapaputok sa isang lungsod o bayan.

"The local government unit has the authority, has the power within its jurisdiction kung i-allow ba nila o ipagbabawal nila," ani Vilela.

May ilang lungsod sa bansa na may ordinansang nagbabawal sa mga paputok at pailaw, gaya ng Davao City.

Tiniyak din ni Vilela na patuloy ang pagmamasid ng pulisya upang mahuli ang mga nag-aangkat, namamahagi at nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.