'1 sa 4 batang Rohingya malnourished'

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2017 11:13 PM | Updated as of Dec 15 2017 05:58 PM

Nakararanas ng matinding malnutrisyon at sakit sa balat ang pitong buwang gulang na sanggol na Rohingya kasama ng kaniyang ina sa Kutupalong refugee camp. Disyembre 7, 2017 Photo by Damir Sagolj, Reuters

Mahigit 500,000 Rohingya ang kasalukuyang nananatili sa Kutupalong refugee camp sa Cox's Bazar sa Bangladesh.

Ito ngayon ang itinuturing na pinakamalaking refugee camp sa buong mundo.

Nagtitiyaga ang mga Rohingya sa kapirasong espasyo na puwede nilang pagtayuan ng kanilang barong-barong o tent na tinitirhan ng mga mag-anak na tumakas sa karahasan sa Myanmar. 

Malaking problema rin ngayon ng refugees ang pagkukuhanan ng malinis na tubig. 

May mga itinayo mang poso para pagkuhanan sana ng tubig, hindi rin ito ligtas gamitin dahil katabi ito ng mga palikuran. 

Karaniwang gawa ang mga refugee tent sa kawayan at tinatakpan ng plastic o sako. 

Plastic lang din ang ginagamit na sapin sa sahig.

Marami tuloy sa mga bata ang inuubo at sinisipon dahil sa kondisyon ng kanilang tirahan.

Sa paligid ng mga tent, bukas ang mga kanal kaya nagkalat ang mga bangaw at lamok na nagdadala rin ng mga sakit. 

Sa tala ng World Food Program ng United Nations, isa sa kada apat na bata sa refugee camp ay malnourished. 

Sila rin ang pinakaapektado ng iba't ibang sakit. 

Mapapanood ang ikatlong yugto ng limang parteng special report ukol sa mga Rohingya mamaya sa Bandila.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.