WALANG PASOK: Klase sa Cavite, suspendido dahil sa walang tigil na ulan

ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2016 08:57 AM

Kinansela ang klase sa lahat ng antas sa Cavite ngayong Martes dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Simula alas-11 Lunes ng gabi, walang tigil ang pagbuhos ng ulan sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila.

Sunod-sunod din na naglabas ang PAGASA ng mga heavy rainfall warning at thunderstorm advisory, kung saan binalaan ang publiko sa mahina hanggang sa minsa'y malakas na pag-ulan.

Kabilang sa mga apektadong lugar sa Luzon ang mga lalawigan ng Quezon, Bulacan, Laguna, Rizal, Cavite at Metro Manila.

Nagdeklara ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas si Cavite Governor Boying Remulla dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng panibagong low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Si Aling Nelia Pedro, hindi alam na walang pasok, kaya maaga pa lang, hinatid na sa eskwelahan ang mga alaga.

"'Di kami nakapagbukas ng Facebook kaya hindi namin alam. Nadala na kasi kami dati sa habagat at bagyo," aniya.

Maaga ring pumasok ang ilang mga guro para abisuhan ang mga magulang at estudyante na kanselado na ang mga klase.

Bahagya namang nagdulot ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada dahil pa rin sa ulan.

Sa kabila nito, wala namang naitalang pagbaha ang MMDA sa Metro Manila.

Patuloy namang pinag-iingat ang lahat sa ulan, pagkulog at pagkidlat.