Member ng 'Bukas-Kotse' gang, patay sa Maynila

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2016 10:17 AM

Patay ang isang hinihinalang miyembro ng Bukas-Kotse gang sa engkwentro sa Maynila, Martes.

Katabi ng isang Mitsubishi Adventure ang katawan ng lalaking napatay matapos umanong makipagbarilan sa pulisya sa Ayala Street corner Arellano Avenue dakong ala-1:20 madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon, nagpapatrolya ang pulisya sa nasabing lugar nang may makita itong dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Bigla na lamang umanong nagpaputok sa pulisya ang lalaking may kinakalikot sa sasakyan kaya nauwi ito sa engkwentro at napatay.

Bagama't sinubukang habulin, nakatakas naman ang tatlong hinihinalang kasabwat ng napatay na lalaki.

Hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong nabiktima ng bukas-kotse sa lugar.

Payo ng pulisya, huwag mag-iwan ng gamit sa sasakyan.