8 taong gulang na bata, inanod ng baha

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2016 07:33 PM

ALBAY - Patuloy ang search and retrieval operations ng rescue team ng Ligao City para makuha ang katawan ng walong taong gulang na si John Maynard Arandia ng Barangay Tula-Tula Grande, Ligao City, na inanod ng baha Lunes.

Sinuyod ng rescue team ang kahabaan ng Calacran River sa bayan ng Oas ngunit bigo silang makita ang bata. Kulay putik pa ang tubig ng ilog at malakas ang agos kaya hirap ang retrieval team.

Ayon sa ina ng bata na si Maria Salvacion Arandia, nasa bukid siya at ang kanyang asawa kaya hindi niya nakita ang pangyayari. Pero kwento ng ilang residente, nakita raw nila ang bata na naliligo sa labasan lang ng kanilang bahay.

Dahil sa lakas ng ulan, umapaw ang kanal. May sunod sunod ring pagkidlat kaya posibleng nagulat ang bata at nadulas ito kaya inanod ng baha.

Nasa grade two ang bata na pangarap sanang maging pulis.

Tanggap na ni Salvacion na hindi na maibabalik sa kanya ng buhay ang kanyang anak pero hiling niya na huwag tumigil ang retrieval team sa paghahanap para kahit papaano ay makuha ang bangkay nito.