4 patay sa pamamaril sa loob ng bahay sa Pasig

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Dec 13 2016 09:49 AM

MANILA - Patay ang apat na lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang salarin sa loob ng isang bahay sa Barangay Maybunga sa Pasig City, Lunes ng gabi.

Ayon sa mga residente, dakong hatinggabi nang mapansin nilang umaaligid at pumasok sa eskinita ang nasa anim hanggang pitong lalaking sakay ng tatlong motorsiklo.

Anila, pawang nakasuot ng ski mask ang mga lalaki.

Maya-maya pa, hindi bababa sa 15 putok ng baril ang narinig ng mga residente.

Agad namang tumakas sa lugar ang mga naka-motorsiklong salarin.

Kinilala ang mga napatay na sina Bernie Halcon, may-ari ng bahay, at mga kaibigang sina alias Onay, Jason at Olan.

Hinala ng mga pulis, gumagamit ng iligal na droga ang magkakaibigan nang mangyari ang pamamaril lalo't may mga drug paraphernalia na nakita sa loob ng bahay.

Inamin din ng isa sa mga kamag-anak ni Halcon na dati itong drug user at sumuko kamakailang sa Oplan Tokhang ng pulisya.

Dagdag ng mga residente, talamak pa rin ang pagtutulak ng droga ni Halcon sa lugar. Katunayan, ginagawa pa umano nitong pwestuhan ang kanyang bahay.

Kinumpirma naman ni Senior Inspector Katherine Kinney ng Pasig police na ginagamit ang bahay ng biktima bilang drug den.

Patuloy na iniimbestigahan kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.