Leody De Guzman kumpiyansa na kayang manalo sa Halalan 2022

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2021 04:59 PM | Updated as of Dec 13 2021 12:24 AM

Larawan ni George Calvelo, ABS-CBN News
Larawan ni George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA — Kumpiyansa si labor leader Leody De Guzman na may tiyansya siyang manalo sa pagkapangulo sa darating na eleksyon kahit hindi pa siya ngayon gaanong kilala. 

Sa pagdalo ni De Guzman sa general assembly ng Partido Lakas ng Masa Rizal Chapter sa Antipolo nitong Sabado, hinarap niya ang kanilang mga miyembro at hinimok ang publiko na huwag basta bastang bumoto ng mga winnable na kandidato.

"'Wag bumoto sa winnable lang, dapat tingnan ang platform at track record. May limang buwan pa, pwede n'yo pa ako gawing winnable," aniya.

Watch more News on iWantTFC

Hindi kasama ang pangalan ng labor leader sa huling survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) na pinangunahan ng anak ng yumaong diktador na si Bongbong Marcos. 

Una nang sinabi ni De Guzman na mas mahalaga ang pagkilala ng masang Pilipino sa kanya kaysa ang mapabilang sa mga survey.

"Iyan ay commissioned survey ng mga kandidato. Inaasahan na namin sa mga katunggali na hindi bibigyan ng pagkilala ang aking kandidatura dahil wala silang balak itaas ang diskurso sa eleksyon," nauna nang sinabi ng labor leader sa isang pahayag.

"Mas mahalaga ang pagkilala sa aking kandidatura ng masa’t manggagawa kaysa sa nagkomisyon sa survey na iyan."

Aniya, kung makuha lamang ang 20 percent ng boto mula sa sektor ng manggagawa, magsasaka, driver, at urban poor sa Pilipinas ay may laban siya sa Halalan 2022.

—May ulat nina Josiah Antonio at Jervis Manahan, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC