VIRAL: Nawalang pera, naibalik sa may-ari makalipas ang 3 taon

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 03:02 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:17 PM

 

DAVAO CITY – Sino'ng mag-aakala na ang perang nawala may tatlong taon na ang nakalipas ay maibabalik pa sa may-ari?

Pero ito ang nangyari kay Cesnee Tan nang bumalik siya sa eatery sa Ponce Street sa Davao City kung saan niya nawala ang kaniyang P3,000 noong taong 2017.

Sa kaniyang Facebook post na nag-viral, sinabi niyang kumakain siya sa eatery nang lapitan at ibalik ng may-aring si Rosalina Garcia ang tig-P1,000 cash.

"Hindi ko talaga inasahan, or kung inasahan ko man na ibalik nila, hindi ako sure kung same amount. Baka nagastos nila yung nawala ko. Pero yung amazing part about it. Hindi talaga nila ginalaw kahit na i-replace na lang sana nila kung nagastos nila," sabi ni Tan.

Naalala ni Tan na pinagtanungan niya si Garcia noon kung nakita nila ang kaniyang nawawalang pera pero wala daw silang napansin ng kaniyang mga tauhan sa eatery. Nang umalis na si Tan sa eatery, doon naman umano ibinigay kay Garcia ng isang customer ang napulot pera sa sahig.

Ibinilin na lamang ng nakapulot na ibigay kay Tan ang pera sakaling bumalik ito sa eatery.

Watch more in iWant or TFC.tv

Namukhaan naman ni Garcia si Tan na dati niyang regular customer nang bumalik ito sa eatery matapos na lumipat ng ibang law school.

"Sabi ko, 'Di ba parang ikaw man yung nawalaan ng pera?' Sabi niya, Oo te. Tapos sabi ko, nandito sa akin kasi may nagsauli, matagal na ako nag-antay sa iyo. Sabi niya, 'thanks God!’" kuwento ni Garcia.

Nakatanggap naman ng mga positibong komento ang Facebook post ni Tan at pinapurihan din ng ilan ang ipinamalas na katapatan ng mga nagsasauli ng mga naiiwan gamit o pero ng kanilang customers.

"Babalik at babalik talaga ang blessings as long as you'll do good to others. So 'yun, thank you and sana maka-inspire din to sa iba na always be honest," sabi ni Tan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.