Mga Pinoy sa HK nananatiling ligtas sa kabila ng mga protesta

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 03:06 PM | Updated as of Dec 12 2019 03:43 PM

MAYNILA - Walang dapat ipag-alala ang mga kamag-anak ng mga Pilipinong nasa Hong Kong sa kabila ng mga kilos protesta doon.

"Hindi naman po apektado ang mga Pilipino. Hindi naman po tayo ang target ng demonstrasyon at ang Pilipno naman dito sa Hong Kong nananatiling ligtas po at wala silang dapat ipag-alala," ayon kay Consul General Raly Tejada.

Sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Tejada may mga panaka-naka pa ring kilos protesta na naganap pero hindi na naging marahas o nagdulot ng masyadong kaguluhan.

"I think we are seeing better days ahead po," sabi niya.

Dagdag ni Tejada, sa kabila ng mga protesta, maraming Pilipino pa rin ang nais na manatili sa Hong Kong.

"Despite all the challenges, nakaka-cope naman mga Pilipino dito sapagkat sila ay vigilant at nananatiling malayo sa karahasan," ani Tejada. 

Ito rin ang sinabi ni Emman Villanueva, secretary general ng United Filipinos in Hong Kong.

"Ang aming pagtingin, nakaka-adapt naman ang ating mga kababayan. I would like to also congratulate ang ating mga kababayan kasi napakamaparaan nila," sabi niya.

Nasa ikaanim na buwan na ang halos araw-araw na protesta sa Hong Kong, kung saan ang mga residente ay umaalma sa umano'y pangingialam ng Beijing sa demokratikong sistema sa siyudad, isang special Chinese administrative region. 

Ayon kay Villanueva, unang natatamaan ng mga kilos protesta ang weekend dayoff ng mga Pilipinong domestic worker sa Hong Kong.

"'Yung mga tipunan ng mga lugar ng mga kababayan natin especially sa Central medyo affected talaga. Ang nangyayari, 'yung ating mga kababayan humahanap ng ibang lugar kung saan sila nagtitipon pagka Linggo," kuwento niya.

Payo niya sa mga bibisita naman sa Hong Kong na tiyaking may maayos silang impormasyon tungkol sa kanilang tutuluyang lugar.

"Para 'pag tanungin sa immigration bakit kayo papasok ng Hong Kong, madali niyong maipaliwanag. 'Wag nang magdala ng materials na usually nagagamit sa protesta, for example 'yung face mask, makakabili naman sa Hong Kong," sabi niya.
 
Dagdag ni Tejada na dapat mag-exercise ng sufficient caution ang mga Pilipino dahil unang naaabala sa mga rally ang mga turista.

"Talagang naha-hassle sila sapagkat 'yung public transportation dito naaapektuhan, nagsasara nang maaga, tapos 'yung mga shops nagsasara rin nang maaga para hindi sila maapektuhan ng rally. Siguro 'yung level of enjoyment baka hindi sila medyo ganun mag-enjoy," ani ng Consul General.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.