Lalaki timbog sa buy-bust, P200-K halaga ng 'damo' narekober

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 01:09 PM

Umabo sa 3.2 kilo ang timbang ng nakumpiskang droga mula sa suspek.

BULA, Camarines Sur – Arestado ang isang 20-anyos na lalaking nagpakilalang call center agent sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Salvacion, Miyerkoles ng hapon.

Narekober mula sa suspek ang tatlong malalaking bloke at anim na maliliit na sachet ng dahon ng marijuana.

Ayon sa crime laboratory, umabot sa 3.2 kilo ang timbang ng illegal na droga na nagkakahalaga ng P200,000.

Depensa ng suspek, bakasyunista lamang siya mula Cavite at bibisita sa mga kaanak sa nasabing bayan.

Iniwan umano sa kaniya ang bag ng kaibigang sasabay sa minaneho niyang van papuntang Bicol.

"May nagpasabay lang po sa akin papuntang Naga, pinaghinalaan po na may marijuana," sabi niya.

Paliwanag naman ng pulis na matagal nang minamanmanan ang suspek na siyang nagdeliver din ng droga noong nakalipas na Undas.

"Yung items kinukuha sa Cavite binabagsak dito sa Bicol kasi yung isang item meron pang nakapangalan na Bicol. Siguro nagoo-operate siya dito sa Ronconada, Camarines Sur o buog Bicol pa," ayon kay Corporal Giovanni Baldon.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.