Lalaki patay, P460-K halaga ng droga narekober

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 11:39 AM | Updated as of Dec 12 2019 11:51 AM

Nakuha mula sa napatay na suspek ang sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang P460,000 ang halaga. sa ginanap na buy-bust operation sa bayan ng Lumban sa Laguna. Larawan mula sa  Provincial Intelligence Branch ng Laguna Police

LUMBAN, Laguna - Patay ang isang lalaki na nasa drug watchlist ng Laguna Police Provincial Office matapos makipagbarilan sa awtoridad sa Barangay Lewin, Huwebes ng madaling araw.

Bigla umanong bumunot ng baril mula sa bitbit na sling bag ang suspek na si Jeffrey Brosas at nagpaputok sa ka-transaksyon na mga pulis na nagpanggap na buyer ng droga.

Gumanti ng putok ang mga pulis dahilan para magtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang suspek na agad nitong ikinamatay.

Ayon sa pulisya, bagong recruit umano si Brosas ng Macmac Punio Drug Group na nag-ooperate sa Laguna.

Bukod sa hinihinalang shabu na nabili sa suspek sa halagang P14,000, narekober din ng awtoridad ang 14 pang bulto ng shabu sa bulsa at bag ni Brosas na aabot umano sa P460,000 ang halaga.

Narekober din ang kalibre .45 na baril na ginamit niya.

Bukod sa Lumban, nagtutulak din umano ng iligal na droga si Brosas sa mga bayan ng Pila, Sta. Cruz at Barangay Mojon sa Liliw, Laguna.

Dati na din umanong naaresto ang suspek dahil sa droga at nakulong ng 5 taon sa Laguna Provincial Jail bago na-recruit ng drug group. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.