2 'holdaper' patay, 1 pulis sugatan sa engkuwentro sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 05:00 AM | Updated as of Dec 12 2019 08:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Patay ang 2 hinihinalang holdaper habang sugatan ang isang pulis sa magkahiwalay na engkuwentro sa Maynila.

Ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Sta. Cruz Police Station, isang insidente ng holdapan ang nangyari sa may Blumentritt kaya't nag-patrol ang mga pulis.

Tumawag ang isang concerned citizen at isinumbong ang pinagtataguan ng suspek sa may Tomas Mapua St.

Papalapit pa lang ang mga pulis ay agad na nagpaputok ng baril ang suspek na kinilalang si Rodel Vicente.

Nauwi ito sa engkuwentro na ikinamatay ng suspek habang tinamaan naman ng bala ng baril si Police Cpl. Edhil Bombase.

Kritikal ang lagay ni Bombase na inooperahan ngayon sa Jose Reyes Memorial Hospital.

Narekober mula sa suspek ang isang government issued na 9mm pistol, .38 revolver, P130,000, hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo, at 26 na kapsula ng drug enhancer.

Dahil sa pangyayari, agad na ipinag-utos ni Magdaluyo na magsagawa ng follow-up operation at nagtayo ng Oplan Sita sa Rizal Ave. corner Quiricada St.

Isang lalaki ang kahina-hinala ang kilos ang sinita pero imbes na lumapit ay bumunot ito ng baril at nagpaputok sa mga pulis. 

Nakipagpalitan ng putok ang suspek na kinilalang si Antonio Yap. Dinala pa ito sa ospital pero binawian ito ng buhay.

Nakuha naman kay Yap ang isang 9mm na baril. Napag-alaman na kakalaya pa lang ni Yap noong Oktubre dahil sa kasong robbery.—Ulat nina Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.