Paglago ng turismo sa Balangiga, inaasahan dahil sa 3 kampana

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 08:44 PM | Updated as of Jul 22 2019 03:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Malaki ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Balangiga, Eastern Samar dahil mas nakilala ang kanilang lugar bunsod ng pagbabalik ng tatlong kampana makalipas ang higit isang siglo. 

Tinangay ang tatlong Balangiga bells ng puwersang Amerikano 117 taon na ang nakalilipas bilang war booty o simbolo ng kanilang pagpuksa sa mga Pilipinong sundalo. 

Dumating noong Martes ang mga kampana matapos ang ilang dekadang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasabay ng pagbabalik nito, marami ang naging interesado matapos maungkat ang kasaysayan ng mga kampana at ang istorya sa likod ng pagtangay nito. 

PLANO SA TURISMO

Ayon sa tourism officer ng Balangiga, kasalukuyang nasa 3,000 turista ang nagpupunta sa bayan kada taon pero dahil sa Balangiga bells, inaasahan nilang magtriple ang bilang nito.

Dahil maliit lang ang Balangiga, aminado ang mga opisyal na hindi pa raw nila kakayanin sa ngayon ang bugso ng mga bisita. 

"Sa ngayon hindi pa ganon 'yung kahandaan namin...Unexpected kasi na dadating ito ngayong taon kaya kami nagulat. Pero in the long run pag-uusapan namin 'yan," ani Balangiga Mayor Randy Graza.

Wala rin daw malalaking hotel o inn na maaaring tuluyan ng mga turista.

Kasalukuyang naka-display sa Philippine Air Force Museum sa Pasay City ang Balangiga Bells at sa Sabado pa ang "homecoming" nito sa pinagmulang bayan. 

Matapos ang formal turnover, ilalatag na ng tourism office ng Balangiga ang gagawing istratehiya sa nakaambang pag-usbong ng kanilang turismo. 

"We will put there artifacts, the tales about Balangiga, 'yung mga costumes and Balangiga reenactment," paliwanag ni Fe Campanero, municipal tourism officer.

Dagdag ni Campanero, kabilang sa kanilang mga pinaplano ang pagsasaayos sa plaza at pagtatayo ng museum tungkol sa kasaysayan ng Balangiga. 

Ngayon pa lang, mabenta na ang souvenir items sa paligid ng plaza tulad ng t-shirt, mugs, at maliliit na replica ng Balangiga bells. 

Bukod sa mga kampana, puwede rin naman daw dayuhin ang kanilang mga beach at sari-saring pista. 

Samantala, umangal naman ang mga taga-Balangiga sa inihaing resolusyon ni Senador Miguel Zubiri na nagmungkahing ilagay sa National Museum ang isa sa mga kampana. Balak daw nilang kontrahin ito sakaling umusad sa Senado.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.