Mga may-ari ng ginibang kabahayan sa Marawi nagreklamo

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 07:13 PM


MARAWI CITY - Inireklamo ng mga residente ng Barangay Dagubduban sa lungsod na ito ang ginawang paggiba sa kanilang mga bahay nang walang pahintulot.

Nagkaisa ang mahigit 50 homeowners na likumin ang mga ebidensiya ng umano'y paggiba sa kanilang mga bahay ng walang paalam. Pag-aaralan anila ng mga kasamahang abogado ang mga karapatan nilang nalabag.

Ayon sa homeowner na si Maglangit Paute, sira man o nakatayo pa ang mga bahay sa lugar na pinakaapektado ng bakbakan noong nakaraang taon, kailangan pa rin ang kanilang pahintulot lalo't doon lang din nakalibing ang kanilang mga ninuno, isa sa mga nakagawian na ng mga Maranao.

Dagdag pa ng grupo, taliwas ito sa napagkasunduan nila at ng Task Force Bangon Marawi na walang gagalawing bahay kapag walang waiver.

Hindi rin umano sila nababahala na maantala ang rehabilitasyon sa lugar.

"If the delay will benefit the homeowners, why not? Kasi 'di puwedeng bilisan ang [rehabilitation] at the expense of the homeowners. We can wait for 1 month, 2 months for clear guidance na for as long as every sisirain mayroon nang kaukulang kabayaran," paliwanag ni Aslani Montila ng Siyap Ko Pagtaw Inc, isang NGO na nagmomonitor sa rehabilitasyon.

Binabalak ng mga may-ari ng mga apektadong bahay na magsampa ng kaso laban sa nagsagawa ng debris clearing sa lugar. 

Maraming kabahayan ang nawasak sa Marawi City dahil sa 5-buwang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga terorista noong 2017. 

Nagsasagawa ng malawakang rehabilitasyon ang gobyerno. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.