Mga magsasaka apektado sa pagbagsak ng presyo ng kopra

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 05:43 PM


Nababahalang malugi ang ilang magsasaka sa lalawigan ng Compostela Valley dahil sa mababang presyo ng kopra, ang pangunahing kabuhayan sa probinsya dahil sagana sa niyog ang lugar.

Apektado na ang kanilang kabuhayan dahil bumagsak sa P17 ang presyo ng kada kilo ng kopra ngayon taon.

Noong taong 2016, umabot sa P46 ang halaga kada kilo ng kopra dahil may kakulangan sa supply nito.

Pero ngayong taon, bumaba ang presyo ng produkto. Noong Enero, nasa P18 kada kilo na ang presyo ng kopra. Sa Digos, Davao del Sur, naglalaro lang sa P15 hanggang P16 ang kada kilo ng kopra.

Ang magsasakang si Perpito Burbon, dalawang dekada nang umaasa sa pagbebenta ng kopra. Dahil sa pagbagsak ng presyo nito, pinagkakasya niya ang P6,000 na kita sa tatlong buwan.

Kada tatlong buwan ang pag-ani ng produkto.

"Lisod gyud. Utang utang lagi mi sa suki. Dili man pud ni akua, porsiyento rapud . Ang amua unta, mutaas ang presyo sa copras kay kana raman among produkto dinhi," aniya.

(Ang hirap. Umuutang na lang kami sa mga suki. Hindi rin naman ito sa akin kaya porsiyento lang rin. Ang amin sana, mapataasan ang presyo ng kopra kasi 'yan lang ang produkto namin dito.)

Ayon sa mga traders, hinihintay na lang ng ibang magsasaka na tumaas ang presyo ng kopra sa takot na malugi kung susugal sa murang presyo.

"May ibang farmers na 'di na lang muna magbebenta. Pero ang iba, magbebenta na lang kasi wala naman silang ibang pagkukunan ng income," sabi ni Euphemia Bationg, isang trader.

Ayon naman kay Philippine Coconut Authority Region XI Director Priscilla Abasolo, isa sa mga dahilan sa pagbaba ng presyo ng kopra ang overproduction at mababang demand ng coconut oil sa world market.

"Sa world market naman po, 2 percent lang ang contribution ng ating coconut oil. Tapos sa world market, marami pong competition na source ang vegetable oil. So marami pong influx ng vegatable oil sa world market kaya ayun, medyo mababa po ang presyuhan dito sa atin kasi 80 percent of our copra are exported," aniya.

Nangako naman ang Department of Agriculture na bibigyan ng tulong ang mga magsasaka sa pamamagitan ng loans.

Sa ngayon, magtitiis muna ang mga magsasaka at umaasa na aayos pa ang kanilang sitwasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.