PatrolPH

Dahil sa SC TRO: Panghuhuli sa Angkas drivers, nakaamba

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2018 12:24 PM | Updated as of Dec 12 2018 08:41 PM

Binaliktad ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagpapahintulot sa operasyon ng ride-hailing application na Angkas at nag-isyu ng isang temporary restraining order (TRO) laban dito.

Bilang epekto, maaari na muling hulihin ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper ng Angkas na kumukuha ng pasahero.

Ibinaba ng SC ang resolusyon noong Disyembre 5 pero nitong Miyerkoles lang ito naisapubliko. 

Nauna nang ipinasara ng pamahalaan ang Angkas dahil maituturing umano silang kolorum dahil hindi daw pinapayagan sa batas ang mga motorsiklo bilang "public transport."

Pero Setyembre nang panigan ng Mandaluyong RTC ang hiling ng Angkas na preliminary injunction laban sa shutdown. 

Kasalukuyang nagpapatuloy ang kanilang operasyon dahil dito. 

Ayon naman sa LTFRB, magsasagawa sila ng board meeting para magbalangkas ng resolusyon kung paano ipatutupad ang TRO ng Korte Suprema at mahuli ang mga Angkas drivers.

Sa isang pahayag, sinabi ni Angkas operations head David Medrana na ikinalungkot ng kompanya ang desisyon ng Korte Suprema at nanindigang ligtas ang kanilang uri ng pamamasada. 

Ayon kay Medrana, maaapektuhan ang 25,000 tsuper ng kompanya sa muling pagpayag na hulihin ang mga ito. 

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.