PatrolPH

Salarin sa pagpaslang sa mag-ina sa Cavite, posibleng kakilala ng mga biktima?

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 10:24 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

Ipinagtataka ng mga awtoridad kung bakit nasa maayos na posisyon ang mga bangkay ng mag-inang natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite noong Lunes.

Natagpuang patay ang mag-inang sina Ruby Gamos at ang kaniyang 7-taong gulang na anak sa loob ng kanilang tahanan sa isang subdivision sa General Trias.

Nilimas ang mga gamit sa loob ng bahay at tinangay ang kotse, na natagpuan naman sa tapat ng isang sementeryo sa Imus, Cavite.

Ayon kay Chief Insp. Bryan Merino, pinuno ng General Trias Police Investigation Unit, mahalaga ang pagkakabawi sa sasakyan lalo pa’t blangko pa sila sa motibo at pagkakakilanlan ng salarin.

"Ginawa niya muna 'yong krimen, after maayos na, naging kalma na, ginawa 'yong pagnanakaw," ani Merino.

Samantala, hinala ng ina ni Ruby na si Virginia Navarro ay kakilala ng mga biktima ang pumatay sa kanila.

"Kung ibang tao ang pumatay niyan, ikakalat 'yan. Bakit inayos pa doon sa kaha, pinagdikit 'yong mag-ina?" ani Navarro.

Hawak ng mga awtoridad ang sasakyan para tingnan kung may makukuhang ebidensiya sa loob nito.

Batay sa autopsy report ng doktor sa punerarya, namatay ang ina dahil sa traumatic injuries sa ulo habang asphyxia by suffocation naman ang ikinamatay ng bata.

Posible umanong tinakpan ng unan ang mukha ng bata, dahilan para hindi ito makahinga.

Wala rin umanong mga sugat sa kanilang katawan na nagbibigay ng palatandaang sila’y nanlaban.

Patuloy na sinusuyod ng mga awtoridad ang kuha ng mga CCTV sa lugar para tingnan kung nahagip ang mga tao sa likod ng krimen.

Inaalam din kung may pananagutan ang seguridad ng subdivision sa nangyari.

Ikakasal sana

Watch more on iWant or iWantTFC

Samantala, labis naman ang pagdadalamhati ng padre de pamilyang si Marlon Gamos nang dumating sa bansa nitong Martes ng umaga.

Isang mandaragat si Gamos at agad itong umuwi nang malaman ang sinapit ng kaniyang mag-ina.

"Di ko alam, nagpapakahirap kami sa pangingibang bansa para sa kanila ... bakit gano'n naman 'yong ginawa nila?" ani Gamos.

Mula airport, agad dumiretso sa morge si Gamos para puntahan ang bangkay ng mag-ina.

Ayon kay Gamos, Sabado pa lang ay nag-aalala na siya at ang iba pang kaanak dahil hindi umano nagpaparamdam ang kaniyang misis at anak.

Hindi rin umano dumalo sa okasyon sa paaralan ang bata.

Si Gamos ang nagpahintulot sa kanilang mga kaanak na ipabukas na ang kanilang bahay, kung saan tumambad ang bangkay ng mga biktima.

Pinaniniwalaang Biyernes o Sabado pinatay ang mag-ina.

Iisa lang kasi ang suot nilang damit nang sila’y matagpuang patay at nang huli silang makausap ni Gamos sa Facebook noong Huwebes, Disyembre 7.

Plano pa naman sana ni Gamos na sorpresahin ng kasal sa simbahan ang asawa ngayong Pasko.

-- Ulat nina Raffy Santos at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.