Palasyo itinangging si Duterte ang pasimuno ng binatikos na OFW ID

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 02:30 PM | Updated as of Jul 14 2018 09:19 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Dumepensa ang Palasyo sa mga kritisismong natanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa anyo ng bagong overseas Filipino Worker (OFW) ID card.

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, naniniwala siyang walang kinalaman ang Pangulo sa paglalagay ng kaniyang mukha sa mga OFW ID.

Paliwanag ni Roque, mismong si Duterte pa aniya ang nagpapatanggal ng kaniyang mga larawan sa mga tanggapan ng pamahalaan. 

“Hindi ba pati ang mga pictures niya sa mga offices pinapalitan niya ng mga heroes? I don’t think he knew about this,” ani Roque.

Inamin naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretarty Silvestre Bello III na sila ang pasimuno ng pagsasalpak ng mukha ni Duterte sa ID.

“I just want to to underscore yung concern ng President sa kapakanan ng mga manggagawa,” giit ni Bello.

Inulan ng batikos sa social media ang ID at tinawag na "epal" ang Pangulo dahil mas malaki pa aniya ang retrato niya sa mismong may-ari ng ID. 

Wala pang impormasyon kung muling magpapa-imprenta ng bagong OFW ID matapos ang negatibong reaksyon ukol dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.