'Nawawalang' mag-ina, natagpuang patay sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 09:48 AM


MANILA - Natagpuang patay ang isang 7-taong-gulang na bata at kanyang ina na hinihinalang pinagnakawan sa loob ng kanilang bahay sa General Trias, Cavite nitong Lunes.

Ilang araw nang hindi nakikita ng mga kaanak si Ruby Gamos at anak na si Shaniah Nicole kaya sapilitan nilang ipinabukas ang bahay ng mga ito. Nakita ang bangkay ng mag-ina sa kanilang kama. 

Ayon sa pulis, walang visible signs of external injuries ang mga biktima at hinihintay pa ang resulta ng autopsy. 

Nawawala naman ang kanilang kotse at mga mamahaling kagamitan tulad ng tablet, TV, cellphone at mga alahas.

Iniinspeksyon ng mga imbestigador ang bahay ng mga biktima. ABS-CBN News

Seaman ang padre de pamilya na si Marlon Gamos, na uuwi ngayong Martes mula sa UAE. 

Nitong Huwebes pa aniya niya huling nakausap ang kanyang mag-ina nang padalhan ang mga ito ng selfie. 

Nagduda ang mga kaanak sa kalagayan ng mag-ina nang hindi makadalo sa school event si Shaniah Nicole noong Sabado. 

Hinikayat ng pulisya ang publiko na makipag-ugnayan sa kanila sakaling makita ang Toyota Wigo ng mga biktima, na may conduction sticker na VD 9843. 

Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.